AKO AT TAMANG ESTADISTIKA ANG SIMULA
(Pyesang Ginamit ni Blessie Morante sa BSP Talumpatian 2009 na sinulat ni Galcoso C. Alburo)
“Nais kong maging Presidente!”
Tama, tama po ang inyong narinig, nais kong maging pangulo. Ang kauna-unahang dalagang pangulo ng bansa! Marahil sa panahong yaon ay 1:17 ang ratio sa pagitan ko at mga presidente ng Pilipinas na may asawa. Pangunahin sa aking plataporma ay ang pagpapahusay ng estadistika sa sektor panseguridad tungo sa aking mabuting pamamahala, kapayapaan sa lipunan at patuloy na pag-unlad”.
Bata pa lamang ako ay hubog na ang kakayahan kong mamuno. Sa paaralan ay tampok ang aking kaliitan ngunit sulidong paglilingkod. Napagtanto ko na hindi sapat ang kakayang mamuno lamang, kundi sapat na kaalaman at pagpapahalaga sa mga pigurang pang-estadistika, sapagkat ito’y kaakibat sa mabuting pamamahala. Susi ito sa kaunlaran. Dito dapat bumabase ang namumuno sa kanyang hakbangin sa pagpapaunlad kaya dapat lamang na ito’y paghusayin, gawin nang tama, ibigay ang wastong pigura at hindi dapat dinadaya upang malapatan ng kaukulang solusyon, maging sa susunod na pamunuan ng bansa.
Sa nakaraang taon ay mayroong 88.57 milyong populasyon sa bansa ngunit lumobo ito at umabot na sa 92.23 milyon at tinatayang aabot pa sa 94.013 sa taong 2010. Ano ang implikasyon nito? Patuloy na tataas ang bilang ng pangangailangan sa suplay ng pagkain, damit, tirahan, gamot at iba pa. Sa kasalukuyang sarbey ng SWS, 23.7% o katumbas ng 4.3 milyong Pilipino ang nakararanas ng gutom. Tumaas ito sa nakaraang taon na 15.5% o 2.9 milyong katao. Kalunus-lunos ang senaryong ito. Samantala noong 2007, lumabas sa Gallup sarbey sa asya na 64 % sa mga Pilipino ang nagsabing wala silang sapat na kakayahan para bumili ng pagkain na pumangalawa ang Cambodia na may 58%. 33% din sa mga pinoy ang nagsabing wala silang perang pambili ng pagkain na pumangalawa sa Cambodia na may 34%. Palala na ang sitwasyon ng bansa. At ayon pa rin sa nasabing sarbey, ang Pilipinas ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo mula noong 2007. Indikasyon ito ng kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa.
Laging ipinagmamalaki ng pangulo ang pagtaas ng kabuuang kita ng bansa o Gross National Product noong ikaapat na quarter ng 2008 na umabot sa 2,339.8 bilyong piso. Sabihin nating ito’y tumaas, ngunit hindi ito madama ng taong bayan dahil paiba-iba ang inflation rate sa bansa. Pataas ang presyo ng mga bilihin ngunit mababa ang sahod ng karaniwang manggagawa. Magiging mabuti lamang ito kung magkaagapay ang pagtaas ng dalawang baryabol na ito. Umabot na sa 8.0% ang mga Pilipinong walang trabaho mula noong Abril 2009. Umabot naman sa 19.8% ang underemployment, kaya maraming nangingibang bayan. Nagpapaalipin, na umabot na sa 1,292,899 noong 2008 ayon sa POEA. Nagpapakamatay para kumita at makapagpadala ng remittances na umabot na rin sa 16,426,854 na dolyares ayon sa BSP sa taong 2008, ngunit mahirap pa rin ang bansa. Ang katunayan, ang revenue o kita ng pamahalaan noong 2008 ay
umabot sa 80,965 milyones samantalang ang expenditures o gastos naman nito ay umabot ng 109,958 milyones kaya may deficit na 28,993 milyones.
Nakakahinga pa ba si Juan dela Cruz sa mga pigurang ito? Lalong nababaon sa utang ang Pilipinas, at panay deficit pa. Paano na ang edukasyon ng mamamayan? Kulang ang badyet ng pamahalaan at kapiranggot lang ang kita ng mga karaniwang manggagawa. Ayon sa quick statistics ng NSO noong 2006, umaabot lamang sa 147 piso sa bawat araw ang average family income sa bansa. Mapag-aaral ba nito ang mga anak hanggang kolehiyo? Pagkain lang at gamot kulang pa. Tuloy nababansot ang isipan ng mga bata dahil walang laman ang sikmura. May katotohanan sana ang ulat ng NSO na ang simple literacy rate sa bansa o mga marunong sumulat at bumasa sa mga edad mula 10 taon pataas noong 2000 ay nasa 92.3% at ang functional literacy rate naman o marunong bumasa, sumulat at magkwenta noong 2003 ay umabot sa 84%. May katotohanan sana ang mga pigurang ito. May katotohanan sana ang mga pigurang ibinibigay sa pangulo kung ilan talaga ang bilang ng mga estudyante na tila sardinas na nagsisiksikan sa loob ng mga silid-aralan. Sinasabi sana ang tamang bilang ng mga kakailanganing guro at bilang ng mga kwartong dapat ipatayo. Tama at mahusay sana ang mga pigurang pinagbabasehan para ito maaksyunan.
Ilan lamang ito sa mga dapat bigyan ng prayoridad at kapag nalapatan ng kaukulang sulusyon ang suliranin sa mga sektor pansegurida, nangangahulugan lamang ito na hindi pa tapos ang lahat kundi nagsisimula pa lamang tayo sa isang mas dambuhalang suliranin, kaya dapat paghusayin ang lahat ng pigurang pang-estadistika sa tulong nating mga mamayan at mga kawani ng pamahalaan, lalo na ngayong sunud-sunod ang mga dumarating na kalamidad sa bansa.
Pag-aralan din ang mga pigurang pang-estadistika ng mga sumusunod: seguridad pinansyal ng bansa. Pagpasa ng mga batas na mangangalaga sa seguridad ng mga mamamayan tulad ng republic act 9372 na may layuning mangalaga sa seguridad ng bansa laban sa mga salot na terorista. Sugpuin ang pagpasok ng mga kontrabando at ellegal alien sa bansa. Pagpapalago ng turismo. Tutukan ang deregulasyon sa mataas na presyo ng petrolyo na pangunahing gamit sa ating mga makinarya at transportasyon. Pag-ibayuhin din ang deregulasyon sa presyo ng gas, LPG at sa kuryente.
Gabay ang wastong estadistika sa pangangalaga sa seguridad ng mga karapatang pantao. Palakasin ang mga batas laban sa pang-aabuso lalo na sa mga kabataan at kababaihan. Wag nang hintayin pa na tumaas ang bilang ng mga inaabuso at kababaihang magsasayaw ng “Careless Wishper” at ikalat sa internet. Ilang porsyento na rin kaya sa mga negosyanteng Pilipino ang nakakaranas ng hacking sa internet? Ng paminirata? At marami pang iba
Ang presentasyon ng tamang pigura sa mga binanggit ay basehan tungo sa tamang hakbang sa paglutas ng mga suliranin. Pagbutihin ang proseso ng pagkuha ng mga datos, ipresenta nang tama, lapatan ng obhektibong interpretasyon at angkop na konklusyon upang ito ay malapatan ng tamang solusyon. Dahil kung hindi ito tama, pwesto! Lalala ang problema. Sino ang sisisihin ng bayan? Walang iba kundi ang gobyerno hindi ba?
Ang pigurang pang-estadistika ay hindi lamang basta katakut-takot na pigura, ito ay dapat na nakikita at nararamdaman hindi lamang ng iilan kundi ng karamihan. Sabi nga sa komersyal, “Ikaw kapamilya at kapuso, reyalista ka na ba?” ganun nga ang tunay na pigurang pang-estadistika, reyalista! naniniwala sa nakikita.
Napakalaking tulong ng mahusay na estadistika sa kapakanan ng mabuting pamamahala ng isang pangulong tulad ko pagdating ng araw. Magreresulta ito sa kapayapaan, kapayapaan na simula ng patuloy na pag-unlad. Kung inalala lang sana ang tumataas na bilang ng nagugutom sa bansa, sana’y walang nangyaring marangyang hapunan si Pangulong Gloria.
Kaya ako, ako ang simula. Ako at tamang pigurang pang-estadistika ang simula ng makatotohanan at maayos na pamamahala. Kapayapaan sa iba’t ibang aspetong sosyal at seguridad pambansa tungo sa patuloy na pagpapaunlad. Dahil sa ako’y nag-aaral pa, ayokong mangako ng kung anu-ano. Kawawa na ang bayan. Ang gagawin ko ay isapuso at isabuhay ang mga linyang ito. . . DAHIL MAHAL KO ANG PILIPINAS, DIRINGGIN KO ANG PAYO NG AKING MGA MAGULANG. SUSUNDIN KO ANG TUNTUNIN NG PAARALAN. TUTUPARIN KO ANG TUNGKULIN NG ISANG MAMAMAYANG MAKABAYAN, NAGLILINGKOD, NAG-AARAL AT NAGDARASAL NANG BUONG KATAPATAN. IAALAY KO ANG AKING BUHAY, PANGARAP, PAGSISIKAP SA BANSANG PILIPINAS.
Ako, kaakibat ng mahusay na estadistika, ang simula ng matiwasay na pamamahala.
Read Full Post »